The Musician Entitlement Syndrome

The Musician Entitlement Syndrome

Maraming bagong musiko ang may ganitong pag iisip. Minsan, di talaga maiiwasan ang nararamdamang frustration sa mga bagay bagay sa kanilang kapaligiran. Kadalasan, ang di nila pagkaunawa sa sitwasyon ang nagiging dahilan ng kanilang pagkabigo.

Gaya na lang ni Reneboy, isang musikong masipag gumawa ng mga awitin. Madalas siyang puyat sa kakasulat ng mga letra at mga areglo para sa kanyang grupo, isang alternative na banda.

Araw araw, magdamagang ensayo. Nagbabayad ng pinag trabahuhang pera para sa pag arkila ng rehearsal studio. Syempre, gumastos na rin siya at ang kanyang mga ka banda ng pera para sa mga gamit nila. 

Ayan na! Sa wakas! Tapos na ang mga bago nilang kanta. Tamang tama at nasama sila sa isang show sa isang bar sa QC. Panalo diba? Yun lang nga, yung excitement nila, agad agad napawi pag sampa nila sa stage.

Biglang nawala ang kumpyansa ni Reneboy ng bigla niyang nakitang di nagre react ang mga manonood sa awitin ng banda niya. Yung iba sa mga manonood, nagsitayuan pa para manigarilyo sa labas. Bumagsak ang pag asa niya nang maaninagan niyang halos wala nang taong nanonood sa kanila.

Pagkatapos ng performance nila, dali dali siyang umupo sa isang sulok para mag mukmok. Di man lamang niya pinansin yung mga natirang manonood para mag pasalamat. Niligpit lang niya ang gitara niya at effects pedal, tinawag ang girlfriend, sumakay ng Grab at umalis na. 

Habang nasa sasakyan, naisipan niyang mag post sa Facebook. Heto ang sinabi niya…

“Grabe! Ang mga tao nga naman. Akala nila madali mag banda. Di ba nila alam na hindi madali maging musiko? Pawis, puyat, pera at panahon ang sinasakripisyo ko at nang mga kabanda ko. Lagi na lang akong puyat sa pag gawa ng kanta. Syempre, may kasamang gastos pa yun para lang sa gamit na kailangan para ma-record yung mga kantang gusto kong ipabahagi sa inyo. Tapos ganun ganon lang? Parang bale wala ka lang sa mga manonood! Dahil ano? Dahil di ako sikat? Dahil di kami sikat? Dahil di niyo kami trip? Ang sama ng loob ko sa inyo! Sana huwag niyong maranasan ang ganitong pakiramdam!” 

Marami ang katulad ni Reneboy. Madali naman sanang maiiwasan ang ganitong situwasyon kung pinaghahandaan niyang mabuti ang layunin niya. Yun nga lang, di rin ito kasiguraduhan ng pagsikat. Pero pag pinaghandaang mabuti ang isang layunin, kadalasang maganda ang kinahihinatnan.

Ang unang dapat ginawa ni Reneboy kung alam niyang meron silang tugtog ay nag-imbita sana siya ng mga manonood sa kanila. Hindi obligasyon ng pangkaraniwang manonood ang makinig sa iyo. Unang una, di naman sila nag punta sa bar na yun para panoorin ka. Nagpunta sila doon para panoorin ang main act o bida. O di kaya… uminon lang at magpa lipas oras.

Pangalawa, walang nagsabi kay Reneboy na magsulat siya ng kanta. Wala rin namang pumigil sa kanya. Dapat ay ipinarinig muna niya ang mga awitin niya sa mga kaibigan at kamag anak ang inanyayahan sana niya ang mga itong dumalo sa show niya.

Pangatlo, di niya sana pina-iral ang pagka bwisit niya sa sitwasyon. Dahil dito ay naging bastos siya sa mga iilang taong rumesto sa kanya. Dapat sana ay nagpasalamat siya sa mga ito. Malay natin at baka sila ang maging sugo ni Reneboy at ng banda niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *